Buhay ni Will, malaki na ang naiba!

Sunud-sunod ang biyaya ngayon ni Will Ashley.
Matapos ang magkakasunod na Best Supporting Award (The Eddys and URIAN) para sa pelikulang Bar Boys: After School, heto at bida siya sa serye na Delivery Boi ng GMA 7.
“Nakakatuwa po, kaya sabi ko nga po, parang araw-araw sinusurpresa ako ng Panginoon. ‘Yung mga dating pangarap lang, ngayon ay natutupad na,” umpisa ni Will sa ginanap na mediacon ng Delivery Boi.
At pangako niya, hindi lalaki ang ulo niya.
“Hindi po. Hindi po! Kayo naman ang makakasagot niyan, kung nagbago na ako!”
Dahil sa mga pagkilala, mas naging passionate raw siya sa kanyang trabaho at mas gustong gumawa ng mga challenging role. “Mas inspired talaga ako ngayon. At mas nangingibabaw sa akin na mas gusto kong gumawa ng mga makabuluhang proyekto, na makapagbibigay ng aral sa mga tao.”
Dahil dito, proud na proud si Mika Salamanca sa young actor. “Super proud siya, kasi before ng Urian, nagsasabi ako sa kanya na kinakabahan ako, na hindi ko alam kung ano ang ie-expect ko. Siya ang nagsasabi sa akin na just pray, na whatever happens, okay lang `yon, dahil `yung ma-nominate ka lang, malaking bagay na `yon.
“Kasi noong nagpunta naman ako sa event na `yon, wala akong in-assume, kasi ayoko ring ma-hurt. So, noong tinawag na ang pangalan ko, doon ko lang naramdaman,” pahayag pa ni Will.
At aminado siyang malaki na ang nabago sa buhay niya. “Oo naman po, malaki talaga ang pinagbago ng buhay ko, lalo na itong ilang taon na nakalipas,” sey p ni Will na pangarap na matulungan ang kanyang pamilya.
Samantala, isang kuwentong puno ng puso, katatawanan, at mga paksang napapanahon ang ihahatid ng Delivery Boi simula Oktubre 19 sa GMA Network.
Sa kanyang unang lead-role project, bibigyang-buhay ng Sparkle star ng karakter ni Boi, na kumakatawan sa kuwento ng maraming Pilipinong nagsisikap matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Makakasama niya sa inspirational at heartwarming series na ito sina Mikoy Morales, Yasser Marta, Vince Maristela, at Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition Big Winner Mika Salamanca.
Mas magiging exciting din ang show dahil tampok dito ang mga batikang artista na sina Keempee De Leon, Meryl Soriano, Maricar De Mesa, Gio Alvarez, at Eric Quizon.
Tulad ng maraming Pilipinong nagtatrabaho, araw-araw na hinaharap ni Boi ang iba’t ibang hamon bilang delivery rider para masuportahan ang kanyang mga mahal sa buhay. Kasabay nito, ginagampanan din niya ang papel ng isa sa mga modernong bayani ngayon na naghahatid ng serbisyo sa kanyang mga customer.
Marami ring natututunan si Boi mula sa mga taong nakikilala niya sa bawat biyahe. Dahil sa positibong pananaw sa buhay at pagiging mapagmahal at mabait sa mga taong nakapaligid sa kanya, hindi niya namamalayan na nababago rin niya ang buhay ng mga ito.
Magkakaroon ito ng world premiere ngayong Oktubre 19 at subaybayan ito mula Lunes hanggang Biyernes, 3:20 p.m. sa GMA Network, Kapuso Stream, at GMA Play app. Mapapanood din ito ng mga Global Pinoy sa GMA Pinoy TV.
- Latest




















