Debris ng rocket ng China, naispatan sa Palawan
MANILA, Philippines — Naispatan ang pinaghihinalaang debris sa inilunsad na Long March 12 rocket ng China sa karagatan ng Puerto Princesa City, Palawan.
Ang China’s Long March 12 rocket ay inilunsad noong Sabado, Oktubre 10 dakong alas-3:28 ng madaling araw mula sa Hainan International Commercial Center sa Wenchang, Hainan Province na pinaniniwalaang bumagsak sa archipelagic na karagatan ng bansa sa bahagi ng Palawan.
Sa ulat ng Philippine Navy West Naval Command kahapon, idinokumento ang akibidad bilang bahagi nang mahigpit na pagmo-monitor sa pagbagsak ng debris ng inilunsad na rocket ng China.
Bandang alas-3:37 ng madaling araw noong Sabado ay naispatan ng mga Navy personnel ang kulay pulang red trail sa himpapawid sa hilagang kanluran patungo sa katimugang silangan sa lugar kung saan 44 segundo itong namasdan sa kalawakan bago tuluyang naglaho matapos na magkapira-piraso ang debris.
Nabatid na maging ang mga personnel sa Tubbataha Reef Natural Park ay narinig rin ang malakas na tunog at tila pagsabog sa kalawakan na nasundan pa ng tatlong beses na mahihinang pagsabog.
Dahil sa pinaghihinalaang rocket trail, nagbabala ang Philippine Navy sa publiko at mga mangingisda na iwasang lumapit sa posibleng debris ng rocket dahil nagtataglay ito ng toxin o nakalalasong kemikal na peligroso sa kalusugan.
Samantala, una nang nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) laban sa debris ng rocket launch ng China na posibleng drop zone ay ang karagatan ng bansa.
- Latest

















