Mayon nagbuga ng abo, 9 pagyanig naitala - Phivolcs
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Bulkang Mayon sa Bicol Region ng pagbuga ng abo na may isang minuto ang tagal at 9 na volcanic earthquakes sa nakalipas na 24 oras ayon sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs)
Ayon pa sa Phivolcs, nagluwa rin ang bulkan ng 1,417 tonelada ng asupre, patuloy ang crater glow at nagkaroon ng katamtamang pagsingaw na nasa 800 metro ang taas mula sa crater ng bulkan na napadpad sa timog-kanluran ng bulkan.
Naitala rin ang pamamaga ng bulkan na may panandaliang pag-impis sa hilagang-silangan.
Dulot nito, pinagbabawalan ng Phivolcs ang publiko na huwag papasok sa loob ng anim na kilometrong (6 km) radius Permanent Danger Zone, paglipad ng anumang aircraft sa ibabaw ng bulkan dahil sa biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions, rockfall events at pag-agos ng Lahar kung may matinding pag-ulan na mararanasan sa paligid ng bulkan.
Ang Mt. Mayon ay nasa ilalim ng alert level 2 status na ang ibig sabihin ay may abnormalidad na nagaganap sa loob ng bulkan.
- Latest






















