Ika-2 panalo puntirya ng UST
MANILA, Philippines — Tatlong koponan ang magtatangkang makisiksik sa liderato sa UAAP Season 89 collegiate men’s basketball tournament na lalaruin sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City ngayong araw.
Aasintahin ng University of Santo Tomas ang kanilang ikalawang sunod na panalo ngayong season sa pakikipagtunggali nito sa wala pang panalong University of the East sa alas-tres ng hapon.
Kasalukuyan pang nagaa-adjust ang Red Warriors sa ilalim ng kanilang interim coach na si Paulo Hubalde.
Pakay naman ng defending champion De La Salle University na makabangon agad mula sa pagkakadapa sa pagharap nila sa Far Eastern University sa alas-5:30 ng hapon.
Nagiging matindi na ang labanan kahit maaga pa lang, kung saan ang National University, University of the Philippines, at Ateneo ay kasalukuyang magkakasalo sa tuktok ng team standings tangan ang tig 2-1 baraha.
Matapos matalo sa kanilang unang laro ng season laban sa UP, pinatunayan ng UST ang kanilang magandang reputasyon bago mag-season sa pamamagitan ng paggapi sa DLSU, 80-75, noong Setyembre16.
Nais ni coach Pido Jarencio, na siyang naggabay sa UST sa kanilang ika-18 at pinakabagong kampeonato noong 2006, na sumabay lang sa agos ang kanyang mga manlalaro at ibigay ang kanilang pinakamahusay na kakayahan.
Nais naman ni Hubalde na maibalik sa dating porma ang Red Warriors upang muling mabuo ang kanilang kumpiyansa sa pagsisikap nilang tapusin ang tatlong sunud-sunod na pagkatalo.
Natambakan ang UE ng kabuuang 70 puntos sa kanilang tatlong pagkatalo ngayong season.
- Latest















