Marian, nagluto at naglaba sa Canada!

Halos isang buwang nag-shooting sa Canada sina Marian Rivera at Dingdong Dantes para sa pelikulang Remember.
Isa nga ba ito sa mga opisyal na kalahok sa nalalapit na Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong Kapaskuhan o ipalalabas na sa November?
Matatandaang pumatok sa takilya noong MMFF 2023 ang pelikulang Rewind na pinagtambalan ng mag-asawa. Ayon kay Marian ay ibang-iba ang tema ng kanilang bagong pelikula ngayon. “Nakakakilig siya kasi ibang tema naman mararamdaman ng mga tao. ‘Yon naman ang palagi naming priority eh. Kapag nanood ka ng pelikulang ito, ano bang maibibigay mo ‘pag lumabas sila? So, this time, kung hindi ka naniniwala sa magic, this time maniniwala ka, dahil kailangan at nararapat,” pagdedetalye ni Marian.
Masayang karanasan para sa Kapuso actress ang naging trabaho sa Quebec. Hindi man nakasama ang mga anak na sina Zia at Sixto ay na-enjoy raw talaga nina Marian at Dingdong ang mga panahon na magkasama sa ibang bansa. “Siguro time din naming mag-asawa na feeling namin work pero parang first time namin ulit na makaalis na kaming dalawa lang. So nagkaroon kami ng mga maliliit na moment kahit na nagsu-shooting kami. At least, ‘yung feeling na mag-girlfriend-boyfriend kayo kasi nga kayong dalawa lang. So ang daming mga good memories,” kwento niya.
Muling naranasan ni Marian ang mga gawaing-bahay dahil walang kasambahay noong nag-shooting sa Quebec, Canada. “Kumbaga sa bahay, minsan ‘pag busy ako hindi na ako nakakapagluto, pero sa Quebec, nagluluto ako, naglalaba uli ako. Kasi kami-kami lang ‘yung nando’n. Wala kaming ibang kasama. Parang nagawa ko ‘yung... single ako na ipinagluluto ko siya, maglalaba ako, maglilinis ako ng bahay namin. So ‘yung mga gano’ng moments,” padedetalye ng Kapuso actress.
David, nakapagpahinga sa Rematch
Noong Sept. 26 ay ginanap sa Cebu ang Bida Sa Arena: The Rematch. Pinangunahan ni David Licauco ang Team Sparkle. Pansamantalang nakapagpahinga mula sa trabaho at muling nakapaglaro ng basketball ang ilang Sparkle at Kapamilya stars. “Different shows, different schedules, so for us na magkasama ngayon we’re like a team. We’re like a real basketball team. So it’s nice to experience that with Sparkle. Better than the last time. I feel like this time around, mas familiar na sila sa crowd na malaki saka play in a big arena,” nakangating paglalahad ni David sa 24 Oras.
Miyembro ng team sina Rayver Cruz, Will Ashley, Derrick Monasterio, Josh Ford, Anthony Constantino, Prince Carlos, Shan Vesagas, Ralph Miaco, Andrei Paras, Mateo Monzones at ang matalik na kaibigan ni David na si Dustin Yu. Nanggaling pa umano si Dustin sa shooting ng isang bagong pelikula bago nakapaglaro ng basketball sa Cebu. “Galing akong lock-in taping for a movie. We make sure na lang na ma-enjoy naming lahat ‘yung laro. Sobrang bonus na kasama mo si David,” pagbabahagi ni Dustin. (Reports from JCC)
- Latest





















