Imago (Wakas)
HUMAHAGIBIS ang motorboat na sinasakyan nina Maya at Mara habang binabagtas nito ang madilim at malawak na karagatan. Sa likuran nila, ang nasusunog na Drydock 4 ay dahan-dahang naglaho sa gitna ng makapal na usok at dilim ng hatinggabi. Habang papalayo sa panganib, biglang sumingit ang matinis na static mula sa radyo ng bangka.
“Maya... naririnig mo ba ako?” ang nanggagalaiting boses ni Nelson ang umalingawngaw sa maliit na silid ng console. “Iniisip mo bang malaya ka na? Nakatatak sa dugo ng kapatid mo ang aming network. Kahit saan kayo pumunta, mahahanap at mahahanap ko kayo.”
Napatingin si Maya kay Mara na nakasandal sa tabi niya. Tumingin din sa kanya si Mara saka mahigpit itong humawak sa kanyang braso. Sa unang pagkakataon matapos ang ilang taong pagkakahiwalay, tumango si Mara nang may buong pagtitiwala at katatagan.
Wala nang takot sa mga mata ni Maya.
Inabot ni Maya ang lumang pipe wrench, ang mabigat na bakal na kasama niya sa bawat pasilyo, bawat pinto, at bawat laban habang hinahanap ang kapatid.
Buong-lakas na pinalo niya ang control panel at ang receiver ng radyo. Tumalsik ang mga basag na plastic, salamin, at kumikislap na kable.
Naputol ang boses ni Nelson. Tuluyang tumahimik ang buong bangka maliban sa tunog nang malalaking alon na sumasalpok sa gilid nito.
Lumapit si Maya sa gilid ng bangka at inihagis ang pipe wrench sa malalim na dagat. Nakatingin si Mara sa ginawa niya. Mabilis lumubog ang pipe wrench.
Hinawakan ni Maya ang kamay ng kapatid at niyakap ito nang mahigpit habang nakatitig sa hilagang abot-tanaw.
“Tapos na ang paghahanap mo, nandito na ako.” bulong ni Mara sa kanya.
- Latest

















