Marcos dedma lang sa pagbaligtad ni Guteza
MANILA, Philippines — Hindi nagbigay ng reaksyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa ginawang pagbawi ni Orly Guteza, isang dating sundalo at dating security aide ng dating mambabatas na si Zaldy Co, sa kaniyang naunang pahayag na naghatid siya ng mga maleta na puno ng pera kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na parte ng balita ang ginawa ni Guteza kaya’t hindi aniya nahuhuli ang Pangulo sa mga balitang gaya nito. Iyon nga lamang aniya ay walang reaksiyon na ibinigay sa kanya ang Pangulo.
“Ang nais naman po ng Pangulo ay laging ayon sa batas, hindi gawa-gawang ebidensiya.Kung totoong mapapatunayan na siya ay gumawa lang ng mga kuwento, hindi naman din ito makakabuti sa pagpo-pursue sa mga tao na dapat managot. So, ang kailangan po ng pamahalaan, kailangan ng Ombudsman, kailangan ng DOJ ng mga investigating bodies natin ay totoong salaysay.”
At sa tanong naman sa kung saan hahantong ang imbestigasyon hinggil sa flood control scam, ang naging tugon ni Castro ay magtutuluy-tuloy pa rin naman ito.
- Latest





















