3 rebeldeng NPA, dedo sa engkuwentro
MANILA, Philippines — Tatlong miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nasawi nang makaengkuwentro ang tropa ng militar sa Barangay Bonglo, Licuan-Baay, Abra, kahapon ng umaga.
Ayon sa report na nakarating sa tanggapan ni Major General Gulliver Señires, Commander ng 5th Infantry “Star” Division na nakabase sa Gamu, Isabela, nasa 10 na mga miyembro ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC) ang nakasagupa ng mga tauhan ng 50th Infantry (Defender) Battalion at 98th Infantry (Masinag) Battalion sa lugar, alas 11:10 kahapon ng umaga.
Nakuha rin ng mga sundalo ang mga armas ng tatlong napatay na rebelde tulad ng 2 M16 rifles, at isang M14 rifle sa pinangyarihan ng krimen.
Ayon sa ulat ng militar, ito na ang ikaapat na sagupaan na nangyari sa pagitan ng mga natitirang rebelde at tropa ng gobyerno sa lugar.
Patuloy ang panawagan ng militar sa mga natitirang mga rebeldeng grupo na magbalik-loob na sa pamahalaan at yakapin ang kapayapaan na inaalay ng gobyerno para makapamuhay ng tahimik kasama ang kanilang mga mahal sa buhay. - Artemio Dumlao, Joy Cantos
- Latest



















