Giant Risers nakabawi sa Giant Pandas

MANILA, Philippines — Tinapos ng Titan Ultra ang kanilang dalawang dikit na kamalasan matapos pigilan ang guest team Macau, 132-128, sa PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Iniskor ni import Tirrell Brown II ang 16 sa kanyang 36 points sa fourth quarter bukod sa 10 rebounds at 7 assists, habang may 18, 14 at 13 markers sina Joshua Munzon, Bryan Sajonio at Roi Sumang, ayon sa pagkakasunod.
Itinaas ng Giant Risers ang kanilang baraha sa 2-5 kagaya ng kartada ng Giant Pandas na bigong maidiretso sa tatlo ang arangkada matapos ang 0-4 panimula sa torneo.
Muntik mabalewala ang itinayong 29-point lead, 76-46, ng Titan Ultra sa 3:10 minuto ng third period matapos makalapit ang Macau sa 124-130 mula sa three-point shot ni import De’Vondre Perry sa huling 1:26 minuto ng fourth quarter.
Ang jumper ni Brown sa natitirang 12.7 segundo ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Giant Risers na nabigo sa Giant Pandas, 126-132, sa first round noong Hulyo 25 at tumapos sa 0-4 kabiguan ng guest team.
Samantala, nasa bansa na si resident import Rondae Hollis-Jefferson para tulungan ang TNT Tropang 5G sa pagdedepensa ng korona.
Kasalukuyan nang nagpapakondisyon ang three-time PBA Best import sa practice facility ng Tropang 5G sa Moro Lorenzo Sports Center sa loob ng Ateneo campus.
Ngunit sinabi ng TNT management na sa Oktubre pa lalaro ang dating NBA player na nagrerekober sa natamong Achilles injury habang naglalaro para sa Meralco sa nakaraang EASL season.
- Latest























