SMB nalasing sa NLEX

MANILA, Philippines — Nasolo ng NLEX ang liderato sa Group A matapos sagasaan ang truck ng San Miguel Beer, 110-96, sa PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.
Umarangkada sa 30-19 simula ang Road Warriors at hindi na prumeno para sa tambakang tagumpay kontra sa paboritong Beermen sa duwelo ng parehong unbeaten teams.
Harurot ngayon sa 4-0 kartada ang NLEX sa gabay ng bagong head coach na si Jimmy Alapag na wala pa ring galos sa kanyang PBA homecoming.
“Again, I’m really proud of our guys. Anytime you like play a team like San Miguel with all of their championship experience, it’s always a great test of for a young team like us. I though we’re very resilient especially in the 2nd half. Our poise was great for a young team that we have,” ani Alapag.
“Coach Jimmy really emphasized to come out with a lot of energy. That was the goal today and we did good job doing it in the 1st quarter,” dagdag ng Best Player of the Game na si Schonny Winston.
Humataw ng 27 puntos at 10 rebounds na double-double sahog pa ang 2 tapal si DeQuan Jones upang trangkuhan ang opensa ng NLEX habang nanguna sa local crew si Winston tampok ang 24 puntos, 4 rebounds at 4 assists.
Nagdagdag ng 15 at 13 puntos sina Anthony Semerad at Robbie Herndon habang may halos triple double na 14 puntos, 12 assists at 9 rebounds si Robert Bolick.
Isang beses lang pinalamang ng NLEX ang SMB sa 15-13 sa 1st quarter bago rumatsada sa 17-4 run upang makapagtayo ng 30-19 bentahe na pinalobo na nila sa hanggang 25 puntos tungo sa tagumpay.
Nag-sanib sa 31, 16 at 15 puntos sina George King, Don Trollano at June Mar Fajardo para sa Beermen na nalasap ang unang kabiguan para sa 3-1 kartada.
Kasalukuyan pang naglalaban ang Barangay Ginebra at Rain or Shine habang isinusulat ito kagabi.
Hangad ng Gin Kings ang kanilang ikalawang sunod na panalo kontra sa Elasto Painters.
- Latest




















