Pangarap, sakripisyo o bf?
Dear Dr. Love,
Tawagin n’yo na lang po akong “Lhea.” Pumasa po ako sa dream college ko sa Maynila. Pero parang guguho ang mundo ng boyfriend kong si Mark. Dalawang taon na kami at nasanay siyang para kaming kambal na siamese—laging magkasama rito sa probinsya.
Ngayong kailangan ko nang lumuwas, takot na takot siya sa LDR. Akala ata niya pagtapak ko sa Maynila, makakahanap agad ako ng bago o kaya ay makakalimutan ko na siya. Pinapipili niya ako: pangarap ko at sakripisyo ng pamilya ko, o siya?
Dr. Love, paano ko ipapaintindi sa kanya na hindi naman Manila Bay ang pumatay sa pag-ibig namin, kundi ang kawalan niya ng tiwala? Ayaw kong bitawan ang pangarap ko, pero mahal ko rin naman ang taong ‘to. Ano po ang gagawin ko?
Lhea
Dear Lhea,
Congratulations sa pagkakapasa sa Maynila! Ang pangunahing maipapayo ko sa’yo, mag-impake ka na. Habang ginagawa mo yan isipin mo ang mga bagay na ‘to: Jowa lang ‘yan, pangarap mo ‘yan! Ang tunay na nagmamahal, ginagawang cheerleader ang sarili, hindi roadblock.
Kung mahal ka talaga ni Mark, dapat proud siya, hindi ‘yung para siyang nawalan ng Wi-Fi sa sobrang panic!
May messenger at video call na. Ang LDR ngayon, kailangan lang ang maayos na internet at matatag na tiwala. Iwasan ang “Sana pala...” syndrome. Kapag tinanggihan mo ang Maynila para lang sa kanya, mag-aaway din kayo balang araw at isusumbat mo ‘yan.
Huwag mong ipagpalit ang degree para sa relasyong na wala pang kasiguruhan.
Lumipad ka, Lhea! Kung kayo talaga, magkikita kayo sa finish line. Kung hindi, at least may diploma ka!
DR. LOVE
- Latest





















