Apoy sa Balsa (38)
HINDI pa man ganap na nagpoproseso sa utak ni Rhea ang nakikita sa kanyang phone, biglang bumukas ang pinto ng opisina ni Ms. Agatha. Lumabas ito habang nakatitig sa sarili nitong tablet, may malapad at abot-tengang ngiti sa kanyang mga labi.
“Rhea! Tintin! Have you seen this?” sigaw ni Ms. Agatha habang naglalakad patungo sa gitna ng creative floor. “ social media team, research this guy! Ilang oras pa lang, lagpas tatlong milyon na ang views nitong #HunkyBurgerSeller. Ito ang kailangan natin para sa bagong campaign ng fast food account. Bagay sa budget-friendly yet viral branding natin. Hanapin niyo agad kung saang kanto ito nagluluto at alamin niyo kung sinong pwedeng kontakin!”
Tumingin si Tintin kay Ms. Agatha
“Uh, Ms. Agatha…” halos mabilaukan si Tintin sa excitement. “Hindi na po natin kailangang maghanap sa malayo.”
“What do you mean?” kunot-noong tanong ni Ms. Agatha.
Eksakto namang bumukas ang pinto ng elevator. Pumasok si Kael,bitbit ang pamilyar na canvas bag ng mga liham at dokumento. Naka-uniporme ito, halatang puyat, at walang anumang kamalay-malay sa nangyayari dahil matapos ang kanyang shift sa burger stand ay tuluy-tuloy na siyang nakatulog sa kanyang higaan nang hindi man lang tinitingnan ang kanyang cell phone.
“Good morning po,” pormal at matipid na bati ni Kael sa floor.
Nagkaroon ng ilang segundo ng nakabibingang katahimikan. Lahat ng mata sa floor, mula sa mga copywriters, art directors, hanggang kay Ms. Agatha, ay nakatitig sa kanya. Pagkatapos ay sabay-sabay na tumingin ang lahat sa screen ng kani-kanilang mga telepono.
“Oh my God…” bulong ni Ms. Agnes, halos malaglag ang kanyang tablet. “It’s him. The burger guy… is our messenger?!”
Sa isang iglap, nagkaroon ng kaguluhan. Nagtilian ang mga junior creatives, habang ang iba ay mabilis na lumapit kay Kael upang ipakita ang viral na video. Tuluyang naalarma si Kael. Napalibutan siya ng mga taong nagtitilian, kumukuha ng larawan, at sumisigaw ng “Selfie naman tayo, Hunky Burger Seller slash messenger!”
Bakas ang matinding pagkalito, hiya, at takot sa mga mata ng binata habang pabalik-balik ang tingin sa screen ng phone ni Tintin. Sa gitna ng kaguluhan, nagtagpo ang mga mata nila ni Rhea. Nakatayo ang dalaga sa malayo, blanko ang mukha ngunit bakas ang matinding kaba at pag-aalala sa kanyang mga mata.
“Kael! In my office, now!” utos ni Ms. Agatha na may malaking ngiti. “Rhea, pumasok ka rin! We’re pivoting the entire pitch strategy right now!”
Itutuloy
- Latest




















