Puganteng Koreano, naaresto sa resort – BI
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa Clark Freeport, Pampanga noong Hunyo 28 ang
isang puganteng South Korean na pinaghahanap dahil sa mga kasong may kinalaman sa droga sa kanyang sariling bansa.
Isinagawa ito ng BI sa pakikipagtulungan ng Philippine Air Force (PAF), ng Clark Development Corporation Public Safety Division, at ng mga otoridad ng South Korea.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang pugante na si Kim Soo, 41, na nahuli sa isang resort matapos ang pagbabahagi ng impormasyon sa pagitan ng mga otoridad ng Pilipinas at South Korea.
Si Kim ay pinaghahanap ng Cheongju District Court sa South Korea dahil sa umano’y paglabag sa Narcotics Control Act ng kanilang bansa.
Inakusahan din ito na nagpapatakbo ng isang Telegram-based na schme sa pamamahagi ng droga, nag-aanunsyo at nagbebenta ng mga ilegal na droga, kabilang ang cocaine at mga cartridge ng abaka, habang tumatanggap ng bayad sa pamamagitan ng cryptocurrency.
Ipinapakita ng mga talaan ng BI na huling pumasok si Kim sa Pilipinas noong Abril 2022 bilang isang pansamantalang bisita ngunit hindi pinalawig o naging regular ang kanyang pananatili, na naging dahilan upang siya ay maging isang overstaying alien na dati na rin inilagay sa blacklist at watchlist ng BI bilang isang pugante.
- Latest















