^

Punto Mo

Marami pa ring Pinoy ang mulat sa siyensiya

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

SEVENTY one percent ng mga Pilipino ay may kamalayan sa agham at teknolohiya sa Pilipinas ayon sa survey ng Social Weather Station (SWS) na ginawa noong Disyembre 2024.

Ayon sa survey na kinomisyon ng Department of Science and Technology (DOST), tumaas ang bilang ng mga Pinoy na nakakabalita, nakakabasa o nakakapanood ng ano mang balita hinggil sa siyensiya at teknolohiya. Umangat ito nang 184 percent mula sa 25 percent sa isang kahalintulad na survey noong Hulyo ng nakaraang taon din.

Sa naturang survey na ipinalabas ng DOST nitong nagdaang linggo, halos kalahati o 46 percent ng mga Pilipino ang naniniwalang ang agham ay merong positibong impluwensiya sa lipunan. Sa mga naniniwala sa positibong epekto ng siyensiya at teknolohiya sa lipunan, mas nakararami ang mga kabataan o iyong nasa edad na 18 hanggang 25 anyos (60 percent) at college graduates (62 percent).

Hindi nga lang malinaw kung saang aspeto ng agham at teknolohiya sa bansa ang kamulatan ng mga Pinoy dahil napakalawak nito bagaman, sa survey, nagpahayag sila ng kasiyahan (88 percent) sa trabaho ng DOST. Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., pinagtitibay lang ng survey ang pagsisikap ng departamento na manguna sa pagbibigay ng mga solusyon at pabubukas ng mga oportunidad sa mga mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng science, technology and innovation (STI).

Dahil nga napakalawak ng usapin sa agham at teknolohiya, hindi naman ito tungkol lang sa mga robot, artificial intelligence, computer, smartphone, internet, rocket, satellite, drone, space mission at iba pa.

Anumang mga pag-unlad sa siyensiya at teknolohiya ay nakaaapekto sa buhay ng ­maraming tao tulad sa edukasyon, trabaho, medisina, negosyo, komunikasyon, transportasyon, pinansiyal, kalakalan, agrikultura, seguridad, industriya, sining o kultura, kapaligiran, o mga personal na pangangailangan at pamumuhay.

Matatandaang siyensiya rin ang tinakbuhan ng Pilipinas at maging ng buong mundo nang manalanta ang pandemya ng COVID-19 noong 2020.

Bagaman hindi pa makakapantay ang Pilipinas sa ibang mga bansang merong mas mauunlad na siyensiya at teknolohiya, may mga sarili na rin naman tayong mga scientist na nakakapagpakita ng kanilang mga kahusayan sa napili nilang larangan.

Nakalulungkot man pero marami nang mga scientist na Pilipino ang nakuhang magtrabaho sa ibang bansa para doon isulong ang kanilang karera na patunay sa pagkilala sa kanilang talino at galing. Masakit sa pakiramdam na mga dayuhan ang nakikinabang sa magagaling nating scientists.

Gayunman, patuloy na nakakapagbigay din ng pag-asa ang mga kabataang nagkakainteres at pumapasok sa mga kursong may kinalaman sa siyensiya at teknolohiya na nagbibigay din naman ng mas malawak at magandang oportunidad para sa kanilang kinabukasan.

Nananatiling buhay sa maraming kolehiyo at pamantasan ang mga kursong pangsiyensiya tulad ng biology, chemistry, physics, mathematics, engineering, psychology, microbiology, biotechnology, computer science, at iba pa dahil hindi ito nawawalan ng mga tagatangkilik na estudyante. May mga estudyanteng Pilipino nga na lumalahok at nagwawagi sa ilang mga pandaigdigang kometisyon sa siyensiya o teknolohiya.

Nakapanghihinayang nga lang at tila hindi maiwasang may mga kabataan na, makaraang makatapos ng pag-aaral sa kaugnay na mga kurso at makapagsimula ng kanilang karera, nagagayuma sila ng magagandang oportunidad sa ibang bansa na hindi nila matagpuan sa sarili nilang bansa. Sayang!

 

Email: rmb2012x@gmail.com

TECHNOLOGY

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
-->