LaVine bumandera sa Kings; Thunder pinadapa ang Blazers
SACRAMENTO, Calif.— Nagbagsak si Zach LaVine ng 36 points para banderahan ang Kings sa 127-109 panalo sa San Antonio Spurs sa pagbabalik ni De’Aaron Fox sa Sacramento.
Hinarap ni Fox ang kanyang original NBA team sa unang pagkakataon matapos i-trade sa San Antonio (26-35) sa isang three-team deal na nagdala kay LaVine sa Sacramento (33-29).
Ngunit sinapawan ni LaVine si Fox nang umiskor ng 16 points para pamunuan ang Kings sa pagratsada sa second period patungo sa pang-limang panalo sa huling anim na laro.
Nagdagdag si DeMar DeRozan ng 22 points at may 19 markers si Keegan Murray.
Tumapos si Fox na may 16 points sa panig ng Spurs, habang may 25 markers si Stephon Castle.
Sa Oklahoma City, bumira si Aaron Wiggins ng 30 points sa 107-89 demolisyon ng Western Conference-leading Thunder (52-11) sa Portland Trail Blazers (28-36).
Ipinahinga ng OKC si MVP candidate Shai Gilgeous-Alexander.
Hindi rtin naglaro sina injured Chet Holmgren (lower right leg contusion) at Isaiah Hartenstein (broken nose).
Sa Miami, tumipa sina Mike Conley, Naz Reid at Donte DiVincenzo ng tig-15 points sa 106-104 pagtakas ng Minnesota Timberwolves (36-29) sa Heat (29-33).
Sa Charlotte, kumamada si Donovan Mitchell ng 24 points sa 118-117 paglusot ng NBA-leading Cleveland Cavaliers (53-10) sa Hornets(14-48).
Sa Inglewood, California, naglista si James Harden ng 27 points at may 20 markers si Kawhi Leonard sa 105-95 paglunod ng Los Angeles Clippers (34-29) sa New York Knicks (40-23).
- Latest