Doha training camp target ng Gilas
MANILA, Philippines — Target ng Gilas Pilipinas na magsagawa ng training camp sa middle east bilang paghahanda para sa dalawang laban nito sa final window ng FIBA Asia Cup qualifiers.
Ayon kay Gilas Pilipinas team manager Richard del Rosario, plano ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na ipadala sa Doha, Qatar ang tropa para doon magsanay.
Ikinakasa na ang mga kakailanganin para matuloy ang camp sa kalagitnaan ng Pebrero.
Paghahandaan ng tropa ang pagsabak nito kontra sa Chinese-Taipei sa Pebrero 20 at New Zealand sa Pebrero 23.
Maliban sa training camp, nais ng SBP na sumalang ang Gilas sa isang torneo bago tumulak sa Taiwan at New Zealand.
“We are planning to go to Doha and join a tournament before heading to Taipei and New Zealand,” ani del Rosario.
Pakay ng Gilas na walisin ang lahat ng asignatura nito sa qualifiers.
Kasalukuyang may malinis na 4-0 rekord ang Gilas kung saan awtomatiko na itong nabigyan ng tiket sa FIBA Asia Cup proper na gaganapin sa Agosto sa Jeddah, Saudi Arabia.
- Latest