Coco at Julia, tuloy ang motorcade

Isang masaya at mala-piyestang Linggo ang sasalubong sa mga Kapamilya kasama ang cast ng hit ABS-CBN action series na Coco Martin’s Sigabo para sa Pampanga Sigabo motorcade na gaganapin ngayong Hunyo 28 (Linggo).
Pangungunahan ng Hari ng Aksyon sa kasalukuyan na si Coco Martin at Prime Actress Julia Montes ang pag-iikot ng cast sa motorcade na magsisimula sa San Fernando, Pampanga ng 4 p.m.
Isa ang Pampanga sa mga lugar na kasama sa Sigabo nationwide motorcade matapos ang naging pagbisita ng cast kamakailan sa Manila, Cebu, Cavite at Palawan, kung saan walang humpay na hiyawan ang sumalubong kina Coco at Julia.
Buhay na buhay nga ang telebisyon sa pagbabalik ni Coco matapos subaybayan ng mga pamilyang Pilipino ang premiere nito noong Hunyo 22. Nagtala rin ito ng higit sa tig-400,000 peak concurrent viewers o sabay-sabay na nanonood sa YouTube para sa unang dalawang episode ng serye.
Sa kasalukuyan ay mas maraming Pilipino na ang makakanood ng Coco Martin’s Sigabo sa iba’t ibang platforms kung saan available ito Lunes hanggang Biyernes ng 8 p.m. sa ALLTV2, TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook, at iWant. Napapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.
- Latest





















