Caloocan LGU nanawagan ng kooperasyon ng publiko vs road obstructions
MANILA, Philippines — Nanawagan si Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa mga residente na makipagtulungan sa kampanya ng lokal na pamahalaan laban sa illegal parking at iba pang sagabal sa mga kalsada.
Ayon kay Malapitan, mahalaga ang mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa upang matiyak na maluwag ang mga lansangan at mabilis na makadaan ang mga sasakyang pang-emergency, lalo na sa panahon ng sakuna at kalamidad.
Inihayag ito ng alkalde nang pangunahan niya ang flag-raising ceremony nitong Lunes sa Barangay 10, kasama ang mga residente at opisyal ng Barangay 5 hanggang 13, gayundin ang mga kinatawan ng mga katuwang na ahensiya.
Inatasan din niya ang mga opisyal ng barangay na maging mahigpit sa pagpapatupad ng mga ordinansa at huwag mag-atubiling disiplinahin ang mga lumalabag, kahit may mga mamamayang maaaring magalit sa kanila.
Binigyang-diin ng alkalde na ang pagsunod sa mga ordinansa ay para sa kaligtasan ng lahat. Hinikayat niya ang mga residente na makiisa upang maiwasan ang mga sagabal sa kalsada at matiyak ang mabilis na pagresponde sa oras ng emergency, lalo na ngayong papalapit ang Pasko at Bagong Taon.
- Latest


















