Pader ng SLEX inararo ng trailer truck, nawasak
MANILA, Philippines — Nagdulot ng napakabigat na trapiko ang pagbangga ng isang trailer truck sa concrete wall ng South Luzon Expressway (SLEX) sa West Service Road sa Parañaque nitong Biyernes ng umaga, Nobyembre 20.
Sa ulat ng Parañaque Police Sub-Station 6, nagmula sa expressway ang truck nang bumangga ito sa concrete wall dakong alas-9:30 ng umaga.
Dahil sa lakas ng impact, bumagsak ang bahagi ng pader at kumalat ang mga debris sa lugar. Apektado ang daloy ng mga sasakyan West Service Road, na umabot hanggang Pasay.
Natagalan ang pag-alis ng truck dahil na rin sa hindi makagalaw sa siksikang daloy ng mga sasakyan, at pagsapit pa ng ala-1:55 ng hapon, bago naialis sa lugar.
Isinagawa rin ang clearing operations para sa mga nagkalat na debris.
Dinala sa tanggapan ng Highway Patrol Group (HPG) ang driver at helper na hindi naman nagtamo ng malubhang sugat. Kinukumpuni na rin ang nawasak na pader ng SLEX.
- Latest















