84-anyos ina, ginawang punching bag ng anak
GUINOBATAN, Albay, Philippines — Nanghihina at halos lupaypay nang isinugod sa ospital ang isang 84-anyos na nanay matapos mapag-tripang bugbugin ng lasing na anak na babae sa Poblacion, Guinobatan, Albay kamakalawa ng hapon.
Sugatan sa mukha at iba pang bahagi ng katawan na dinala sa Josefina Belmonte Duran Albay Provincial Hospital ang biktima na si “Nanay Laring;” arestado naman ang 54-anyos na suspek na kinilalang si “Gemma,” kapwa residente ng naturang lugar.
Sa ulat, pasado alas-2 ng hapon isa sa apo ng matanda ang nagtungo sa Guinobatan Municipal Police Station at humingi ng tulong dahil sa binubugbog umano ng suspek ang kanyang lola.
Agad rumesponde ang mga pulis at inabutan sa nakakaawang kalagayan na sugatan at nanghihinang naka-upo sa gilid ng kalsada ang matanda.
Dinala ito ng mga pulis sa hospital at ipinagamot. Inaresto naman at nakatakdang sampahan ng kaso ang lasing na suspek.
Lumalabas sa imbestigasyon ng mga pulis ayon na rin sa kwento ng ilang saksi na nakagawian na umano ng suspek na kapag nalalasing ito ay bugbugin ang kanyang nanay.
- Latest


















