Makati court naglabas ng extradition arrest warrant, HDO vs Quiboloy

MANILA, Philippines — Naglabas ng extradition warrant of arrest ang isang korte sa Makati laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy at dalawa pa niyang kapwa-akusado kaugnay ng mga kasong kinakaharap nila sa Estados Unidos.
Ayon sa Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes, inilabas ang extradition warrant of arrest alinsunod sa Section 4, Rule 2 ng Rules on Extradition Proceedings.
Sa desisyon ng korte, may probable cause upang maniwalang ang bawat extraditee ay ang mismong indibidwal na pinangalanan sa kaukulang foreign arrest warrant at indictment, ang mga kasong isinampa laban sa kanila ay extraditable offenses, at may sapat na batayan upang iugnay sila sa mga naturang pagkakasala.
Noong Huwebes, Nobyembre 12, naglabas ng warrant ang Makati City Regional Trial Court laban kina Quiboloy, Teresita Dandan, at Helen Panilag matapos matukoy na may probable cause sa mga nabanggit na batayan.
Naglabas din ang korte ng hold departure order laban sa tatlong extraditee upang pigilan silang makalabas ng bansa.
Ipinaliwanag ng DOJ na sa ilalim ng Rules on Extradition Proceedings, kapag naabisuhan na ang korte tungkol sa pagpapatupad ng pag-aresto sa isang extraditee, personal na ihahatid dito ang kaukulang summons, kasama ang kopya ng petisyon at mga kalakip na dokumento.
May 15 araw ang extraditee mula sa pagtanggap ng summons upang maghain ng verified answer sa korte.
Sa kasalukuyan, nakakulong si Quiboloy sa Pasig City Jail kaugnay ng hiwalay niyang kasong qualified human trafficking na dinidinig sa Pasig City Regional Trial Court.
Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, natapos na ng prosekusyon ang paglalahad ng mga ebidensya sa kasong qualified human trafficking laban kay Quiboloy sa Pilipinas. Nakatakda na ring ihain ang formal offer of evidence, na susundan ng pagkakataon para sa depensa na magkomento rito.
Inaresto si Quiboloy sa Pilipinas noong 2024 kaugnay ng mga kasong human trafficking na may kinalaman umano sa paggamit sa mga kababaihan at menor-de-edad na miyembro ng kanyang sekta upang magbenta ng mga produkto at mangalap ng pondo para sa kanyang simbahan.
Samantala, inakusahan din si Quiboloy ng isang US grand jury noong 2021 dahil sa conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, sex trafficking of children, at bulk cash smuggling.
Ayon sa 2021 US indictment, umano’y nire-recruit ang mga batang babae at kababaihang nasa edad 12 hanggang 25 bilang personal assistants ni Quiboloy. Kabilang umano sa kanilang mga tungkulin ang paghahanda ng kanyang pagkain, paglilinis ng kanyang tirahan, pagbibigay sa kanya ng masahe, at pakikipagtalik sa kanya.
- Latest

















