Motorcycle group suportado reporma ng DOTr sa mototaxi

MANILA, Philippines — Suportado ng motorcycle taxi riders’ group na METRO ang mga repormang isinusulong ni Transportation Secretary Vince Dizon upang ayusin ang regulasyon sa industriya, kasabay ng panawagang protektahan ang kabuhayan ng mga rider at ang gawing legal ang kanilang operasyon.
Ayon kay METRO co-convenor Jayson Luna, dapat gamitin ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga naganap na kontrobersiya upang magpatupad ng patas at pangmatagalang reporma. Iginiit niyang hindi dapat madamay ang mga rider sa mga paglabag o hindi pagkakaunawaan ng mga operator at awtoridad.
Hiniling din ng grupo na repasuhin ang limitasyon sa bilang ng mga rider batay sa aktuwal na pangangailangan ng mga pasahero at kapasidad ng industriya. Dapat ding maging patas at malinaw ang alokasyon ng mga rider, kasabay ng pagtitiyak sa kaligtasan ng mga commuter at pananagutan ng mga operator.
Umaasa ang METRO na magiging simula ito ng permanenteng legal na balangkas para sa motorcycle taxi services sa halip na pansamantalang sistema lamang. Handa rin ang grupo na makipagtulungan sa DOTr, LTFRB at mga mambabatas upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga rider at kapakanan ng mga pasahero.
- Latest

















