Manny Pay Version 2, ilulunsad sa Disyembre

Pacquiao nag-divest na sa kumpanya
MANILA, Philippines — Inanunsyo ng homegrown fintech platform na Manny Pay ang paglulunsad ng Manny Pay Version 2 sa Disyembre 17, 2026, na naglalayong palawakin at pabilisin ang abot-kayang digital financial services para sa mga MSME at ordinaryong Pilipino.
Kasabay nito, pormal nang bumaba bilang chairman ng kumpanya si dating Senador at ngayo’y NAPC Secretary Manny Pacquiao bilang pagsunod sa ethics at conflict-of-interest rules ng pamahalaan. Inihayag din na tuluyan na niyang binitawan o idinivest ang lahat ng kanyang shares at financial stake sa Manny Pay.
Bilang paghahanda sa upgraded infrastructure, nagtapos na ang serbisyo ng Manny Pay Version 1 e-wallet noong Nobyembre 10. Awtomatiko namang inilipat sa Traxion Pay accounts ang natitirang balanse ng mga gumagamit simula Nobyembre 11.
Ayon kay 7th Pillar Integrated System Corp. President at CEO Marc Hussein Bundalian, layunin ng upgrade na gawing mas mabilis, mas ligtas at mas abot-kaya ang digital transactions para sa mga Pilipino at lumalaking negosyo.
Nagpaalala rin ang Manny Pay at Traxion Pay sa publiko na mag-ingat laban sa mga scam at phishing scheme. Anila, hindi sila kailanman hihingi ng MPIN, OTP o account password ng kanilang mga kliyente.
- Latest















