Diocese ng Bangued sa Abra, idineklarang bakante
Bangued, Abra, Philippines — Opisyal nang idineklarang bakante ang luklukan ng Diyosesis ng Bangued sa lalawigan ng Abra matapos tanggapin ng Vatican ang pagbibitiw ni Most Rev. Leopoldo C. Jaucian, SVD, DD, bilang obispo ng diyosesis.
Ayon sa diyosesis, pumasok na ito sa tinatawag na sede vacante o panahon ng pagkabakante ng posisyon ng obispo.
Sa stars na inilabas ni Diocesan Chancellor Rev. Fr. Edward F. Awao nitong Linggo, Nob. 8, 2026, kinumpirma ang opisyal na pagsisimula ng sede vacante, isang araw matapos ipahayag ng Vatican na tinanggap ni Pope Leo XIV ang pagbibitiw ni Bishop Jaucian alinsunod sa Canon 401 at 402 ng Code of Canon Law.
Pansamantalang ipinasa sa College of Consultors ang pamamahala sa diyosesis habang wala pang bagong obispo.
Alinsunod sa batas ng Simbahang Katolika, kailangang agad na magpatawag ng pulong ang pinakamatandang pari batay sa petsa ng ordinasyon sa College of Consultors upang pumili ng Diocesan Administrator. Dapat na isa itong kwalipikadong pari na hindi bababa sa 35 taong gulang at kinikilala sa kaalaman sa doktrina at pagiging maingat sa pagpapasya.
May walong araw ang kolehiyo mula sa pormal na pagtanggap ng abiso upang maisagawa ang halalan. Sa panahong ito, ipatutupad ang prinsipyong Nihil Innovetur o “Walang dapat baguhin,” alinsunod sa Canon 428 §1, upang matiyak na magpapatuloy ang karaniwang operasyon ng mga parokya, tanggapan at ministeryo nang walang malalaking pagbabago sa mga patakaran at tauhan.
Iniutos din sa lahat ng simbahan, kapilya at pampublikong oratoryo sa Abra na alisin na ang pangalan ni Bishop Jaucian sa Eucharistic Prayer o panalangin sa Misa.
- Latest

















