Valenzuela LGU palalawakin health services
MANILA, Philippines — Inilahad ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian ang mga nagawa at susunod na programa ng lungsod sa sektor ng kalusugan sa kanyang ikalawang State of the Health Address (SOHA) noong Nobyembre 4.
Mula Enero hanggang Hunyo 2026, nakapagsagawa ang lungsod ng 152,228 libreng laboratory test at 5,265 physical therapy session, bukod sa libreng lying-in services, newborn screening at pagbabakuna. Namahagi rin ito ng libreng gamot na nagkakahalaga ng mahigit P36 milyon.
Nakapagsagawa rin ang Mobile Medical and Dental Clinic ng 126,679 libreng medical check-up para sa mga mag-aaral, habang 37,328 pasyente naman ang napagsilbihan ng mga Sentro Health Hub. Nakatakda ring magbukas ng karagdagang hub at ipaayos ang 32 health center sa iba’t ibang barangay.
Kabilang sa mga susunod na proyekto ang digitalisasyon ng mga serbisyong medikal, pagtatatag ng Valenzuela Bridge sa 2027 para sa mga indibidwal na may special needs at developmental disorders, at pagpapalawak ng mga pasilidad para sa laboratory, eye care, physical therapy at mental health services.
Samantala, nakamit ng Valenzuela City Emergency Hospital ang Level 1 accreditation mula sa Department of Health (DOH), na nagbigay-daan sa pagpapalawak ng mga serbisyong medikal nito, kabilang ang piling major surgeries. Patuloy na palalawakin ang mga programa upang mas maraming residente ang makinabang sa abot-kayang serbisyong pangkalusugan.
- Latest
















