Isdang sardinas sa Southern Leyte bawal munang hulihin - BFAR

MANILA, Philippines — Simula sa Disyembre 1, ipinagbabawal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang paghuli ng isdang sardines sa Sogod Bay sa Southern Leyte hanggang sa Marso 1, 2027.
Ayon sa BFAR, ang tatlong buwang suspensyon sa panghuhuli ng isdang sardinas ay upang bigyang-daan ang pagdami at pagpaparami ng mga isda, na bahagi ng taunang programa sa konserbasyon ng pamahalaan.
Sakop ng closed fishing season ang Fisheries Management Area (FMA) 9, na kinabibilangan ng Sogod Bay, sa ilalim ng Fisheries Administrative Order No. 278. Ang hakbang ay ipinatutupad taun-taon sa kaparehong panahon, maliban kung may babaguhin alinsunod sa mga probisyon ng kautusan.
Sa panahon ng closed season, ipagbabawal ang paghuli at pag-ani ng mga sardinas na lokal na kilala bilang lopoy, mangsi, dayang, at salinyasi gamit ang mga Ring nets (lokal na tinatawag na likom o sinsoro), Bag nets (basnig), Drift gillnets (palaran), Scoop nets (sikpaw o hawad), Encircling gillnets (pangtapis o panglikos) at Purse seines (pangulong).
Sakop ng fish ban ang karagatan sa 13 lokal na pamahalaan sa Southern Leyte tulad sa Maasin City, Macrohon, Malitbog, Padre Burgos, Tomas Oppus, Bontoc, Sogod, Libagon, Liloan, San Francisco, Pintuyan, San Ricardo, at Limasawa.
Sa ilalim ng kautusan, ang pagkakaroon ng mga ipinagbabawal na kagamitan sa pangingisda at ng mga nahuling sardinas sa loob ng isang bangka o sasakyang pandagat ay maaaring magsilbing prima facie evidence o sapat na katibayan ng paglabag sa kautusan.
- Latest



















