200 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Pasay
MANILA, Philippines — Halos 200 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos tupukin ng sunog ang nasa 25 kabahayan sa Brgy. 157, Malibay, Pasay City, Miyerkules ng hapon. Naiwasan namang madamay ang katabing malaking LPG refilling station dahil sa mataas na konkretong firewall nito.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na sumiklab bandang alas-4 ng hapon sa Apelo Cruz Street. Mabilis na kumalat ang apoy sa magkakadikit na bahay na karamihan ay gawa sa magagaan na materyales, bago tuluyang naapula makalipas ang mahigit tatlong oras.
Agad na binantayan ng mga bumbero ang katabing LPG refilling station upang hindi ito maabot ng apoy. Nagsilbing panangga ang mataas na konkretong firewall na pumigil sa pagkalat ng apoy sa pasilidad na naglalaman ng maraming tangke ng liquefied petroleum gas LPG, na posibleng magdulot ng mas malaking sakuna kapag nasunog.
Idineklara ang fire-out bandang alas-7:42 ng gabi sa tulong ng Bureau of Fire Protection (BFP) at mga fire volunteer group. Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan habang patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog at inaalam ang halaga ng pinsala.
- Latest
















