Transport sa LTFRB: Multa sa MC Taxi, ipatupad
MANILA, Philippines — Dapat na magpakatotoo ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa pagpapatupad multang ipinataw sa ride hailing app na Move It dahil sa mga “ghost rider”.
Ito naman ang sinabi ni Ariel Lim, Pangulo ng National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Associations of the Philippines (NACTODAP) sa isinagawang press conference sa Ka Rene Restaurant sa Quezon City.
Ayon kay Lim, ngayon dapat na ipakita ng LTFRB ang kanilang pangil sa pagpapatupad ng P555.75 milyong multa sa Move It dahil sa umano’y overboarding. Ani Lim, pumalo na sa 73,321 ang Move It riders gayong 17,746 lamang ang awtorisado. Sobra ito ng 55,575 na labag na sa regulasyon.
Kinuwestiyon naman ni Ronald Gustillo, National Campaigner ng Digital Pinoy sang sistema ng Move It sa accreditation, training at regulasyon ng kanilang mga riders. Aniya, hindi lamang dami ng motorcycle taxi ang dapat isaalang-alang, kundi higit sa lahat ang pagiging kwalipikado, dokumentado, at ligtas ng bawat rider.
Una nang pinuri nang NACTODAP; Digital Pinoys; National Public Transport Coalition (NPTC); Lawyers for Commuters’ Safety and Protection (LCSP); Kapatiran ng Dalawang Gulong (KAGULONG); Motorcycle Taxi Rider Organization (METRO); Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (MANIBELA); at Pilipino Society and Development Advocates for Commuters and Consumers (PASADA CC) ang desisyon ng LTFRB.
- Latest

















