Lotto outlet ginawang front sa ilegal na sugal, teller arestado
MANILA, Philippines — Arestado ang isang teller matapos salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lotto outlet na ginagamit umanong front sa ilegal na sugal sa Caloocan City.
Isinagawa ang operasyon ng PCSO at NBI-Fraud and Financial Crimes Division (FFCD), sa pangunguna ni Chief Palmer U. Mallari, sa outlet na matatagpuan sa Block 1, Lot 7, Camarin Road, Almar, Caloocan City, kamakalawa, batay sa surveillance report.
Nabuking ang ilegal na operasyon sa pamamagitan ng test-buy kung saan nadiskubreng nag-iisyu ang outlet ng mga pekeng tiket na hindi dumaan sa opisyal na PCSO terminal. Tumatanggap din umano ito ng mga pusta sa pamamagitan ng GCash.
Nakumpiska sa operasyon ang tinatayang P5,000 halaga ng mga pusta, pekeng tiket at cellphone na konektado sa point-of-sale (POS). Kinumpiska rin ang buong lotto terminal equipment, kabilang ang monitor, computer unit, scanner, printer at modem, gayundin ang mga ticket roll at dokumento ng transaksiyon.
Nagbabala naman si PCSO General Manager Melquiades A. Robles na hindi kukunsintihin ng ahensiya ang mga lisensyadong outlet na sangkot sa ilegal na sugal at panloloko.
Patuloy ang pakikipagtulungan ng PCSO sa NBI upang mapigilan ang paggamit sa mga lehitimong lotto outlet bilang front sa ilegal na sugal. Hinimok din ng ahensiya ang publiko na tumaya lamang sa mga opisyal na terminal at isumbong ang mga kahina-hinalang transaksiyon.
- Latest
















