Eala reresbak kay Valentova

MANILA, Philippines — Pakay ni Alex Eala na maiselyo ang tiket sa quarterfinals sa pagpapatuloy ng 2026 Hong Kong Open ngayong araw sa Victoria Park Tennis Stadium sa Hong Kong.
Inaasahang mapapalaban ng husto si Eala dahil haharapin nito si Tereza Valentova ng Czech Republic sa Round of 16 ng naturang WTA 250 event.
Lalarga ang bakbakan nina Eala at Valentova sa alas-2 ng hapon.
Umabante si Eala sa second round matapos patumbahin si world No. 132 Emerson Jones ng Australia, 6-4, 6-3 desisyon sa opening round.
Sa kabilang banda, nanaig naman si Valentova kay Himenu Sakatusume ng Japan, 6-3, 7-5, sa hiwalay na laban.
Lamang si Valentova kontra kay Eala sa kanilang head-to-head.
Hawak ng Czech player ang 2-0 bentahe.
Matatandaang tinalo ni Valentova si Eala sa WTA Tour sa Osaka, Japan noong nakaraang taon kung saan naitarak nito ang 6-1, 6-2 panalo sa opening round.
Muling lumasap ng kabiguan si Eala nang umani ito ng 6-7 (6), 1-6 kabiguan kay Valentova noong Pebrero sa first round ng Doha Open sa Qatar.
“I’ve had very tough matches against her in the past. She’s proven to be a really good player not just against me but she’s played really well,” ani Eala.
Kaya naman desidido si Eala na makaresbak sa pagkakataong ito.
“She should be a good challenge for me like every match as well. But all I can do is do my best to prepare and when I’m out there, fight with everything I have,” dagdag ni Eala.
Nagpasalamat si Eala sa Pinoy fans na dumagsa sa venue sa kanilang first round match.
Kaliwa’t kanang flag ng Pilipinas ang iwinawagayway sa venue sa Hong Kong kaya’t mas lalong ginaganahang maglaro si Eala.
“Maraming salamat sa lahat ng mga kababayan natin na patuloy na sumusuporta,” ani Eala.
- Latest



















