2 empleyado, P776 milyong pondo
Cale88 dapat magpaliwanag - Barbers
MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ni House impeachment adviser at tagapagsalita na si Ace Barbers kung paano napapatakbo ng Cale88 Foods Corp., isang banana chip exporter na iniuugnay sa asawa ni Vice President Sara Duterte, ang malalaking transaksiyon nito sa kabila ng kakaunting iniulat na empleyado.
Ayon kay Barbers, walang rank-and-file employee ang Cale88 mula 2022 hanggang 2024, habang dalawa lamang ang naiulat na empleyado nito noong 2025.
Dahil dito, kinuwestiyon niya kung paano nakapagsasagawa ang kumpanya ng export transactions na umaabot sa daan-daang milyong piso.
“Ang negosyo nila ay banana chip export business na kumikita ng daang-daang milyong piso kahit dalawa lamang ang iniulat na empleyado mula 2022 hanggang 2025,” ani Barbers sa isang press briefing.
Binanggit din niya ang tala ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagpapakita ng P776.64 milyong incoming funds na may kaugnayan sa Cale88 sa loob ng apat na taon.
Itinatag ang kumpanya noong 2021, at 47.5 porsiyento nito ay pagmamay-ari ni abogado Manases Carpio, asawa ni Duterte. Naging bahagi rin ng pagsusuri ang iniulat na pagbebenta ng kumpanya sa Pikimong Pikimong Philippines Corp. noong 2025.
Sa testimonya sa impeachment court, lumitaw na minarkahan ng AMLC ang ilang transaksiyong kaugnay ng Cale88, kabilang ang mga remittance mula China.
Gayunman, nilinaw ng AMLC na hindi awtomatikong nangangahulugan ng money laundering ang mga kahina-hinalang transaksiyon at kailangan pa ng masusing pagsusuri.
- Latest




















