13 kinasuhan sa P491 milyong road right-of-way scam
MANILA, Philippines — Sinampahan ng Office of the Ombudsman ng kasong graft at malversation ang anim na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Soccsksargen at pitong iba pa kaugnay ng umano’y road right-of-way scam sa General Santos City na nagkakahalaga ng P491 milyon.
Halos dalawang dosenang trolley na puno ng mga dokumento ang inihain sa Sandiganbayan kaugnay ng tig-18 bilang ng graft at tig-18 bilang ng malversation charges laban sa bawat akusado.
Kabilang sa mga sinampahan ng kaso ang mga dating opisyal ng DPWH na sina Subair Diron, Laureano Suan Jr., Tomas Rodriguez, David Padlan, Paisal Padate, at Ansare Busran.
Kasama rin sa asunto ang mga pribadong indibidwal na sina Wilma Mamburam, Nelson Ti, Evelyn Paloso, Rudy Ong, Marisa Seguirre, William Uy, at Paul Michael Bagio.
Ayon sa Ombudsman, nag-ugat ang kaso sa ulat ng National Bureau of Investigation (NBI) noong 2018 at 2019 na nag-uugnay sa mga akusado sa iregularidad sa pagbabayad ng right of way para sa 18 parsela ng lupang apektado ng konstruksyon ng Digos-Makar National Road.
Ayon pa sa imbestigasyon, inaprubahan ng Technical Working Group ng DPWH-Soccsksargen ang pagpapalabas ng P491 milyon para sa mga claimant na kalaunan ay natuklasang nagsumite ng mga pekeng dokumento upang makakuha ng bayad.
- Latest
















