P99.4 milyong ketamine sa 2 shipment, nasabat ng BOC at PDEA
MANILA, Philippines — Nasabat ng Bureau of Customs (BOC)–Port of Clark at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang shipment na naglalaman ng kabuuang 19.89 kilo ng ketamine na nagkakahalaga ng P99.445 milyon.
Ayon sa BOC, nadiskubre ang ilegal na droga sa isinagawang pisikal na inspeksyon noong Oktubre 22, 2026, kasunod ng impormasyong natanggap mula sa PDEA Airport Interdiction Unit. Kinumpirma rin sa pagsusuri ng PDEA laboratoryo na ketamine ang mga nakumpiskang substance.
Nagmula sa Switzerland ang unang shipment na may timbang na 9,882 gramo at idineklarang naglalaman ng roasted coffee beans, coffee machine, at mga kagamitan sa paghahanda ng kape. Nakalaan ito sa isang tatanggap sa Mandaluyong City. Ang ikalawang kargamento naman ay mula Amsterdam, may timbang na 10,007 gramo at idineklarang sodium bicarbonate cleaning powder na nakatakdang ipadala sa Montalban, Rizal.
Saklaw ang ketamine ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, as amended. Ayon kay BOC District Collector Jairus S. Reyes, paiigtingin nila ang pagsusuri sa mga dokumento, pisikal na inspeksyon at paggamit ng mga X-ray machine dahil sa inaasahang pagdami ng mga parcel na papasok sa bansa ngayong holiday season.
- Latest
















