Dalawang congested na ospital sa Samar, inaksyunan ng DOH
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pasasalamat at papuri si Samar Governor Sharee Ann Tan kay Health Secretary Edwin Mercado dahil sa mabilis na tugon sa dalawang congested na ospital.
Nanawagan pa rin ito sa DOH na kailangan pa rin ang pangmatagalang solusyon upang matiyak ang maayos at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan para sa mga Samareño.
Batay sa opisyal na ulat noong Oktubre 19, umabot sa 181 ang mga pasyenteng naka-confine sa Calbayog District Hospital, na may otorisadong kapasidad lamang na 75 kama.
Habang nasa 200 hanggang 250 pasyente naman ang tinatanggap ng Samar Provincial Hospital sa Catbalogan City sa kabila ng kapasidad nitong 100 kama.
Kasunod ng panawagan ni Tan noong Oktubre 26, inatasan ni Mercado ang DOH Eastern Visayas na magbigay ng agarang tulong, kabilang ang pansamantalang pasilidad para sa mga pasyente, emergency medical teams at karagdagang kawani. Ipinag-utos din ang pagsusuri sa kapasidad ng mga ospital at sistema ng paglilipat ng mga pasyente sa iba pang pagamutan.
Iginiit ni Tan na dapat sundan ang mga agarang hakbang ng pagpapalawak ng mga pasilidad, pagdaragdag ng mga kama at makabagong kagamitang medikal, gayundin ang pagkuha ng sapat na bilang ng mga doktor at nars.
Umaasa rin siyang mapapabilis ang paggamit ng nakalaang P440 milyon para sa pagpapahusay ng dalawang ospital—P140 milyon para sa Calbayog District Hospital sa ilalim ng 2025 national budget at P300 milyon para sa Samar Provincial Hospital sa ilalim ng 2026 national budget.
- Latest



















