Beermen tatapusin na ng gin Kings
MANILA, Philippines — Tutungga na sa semifinals ang Barangay Ginebra sa tangkang panapos na Game 3 kontra sa sibling rival na San Miguel sa PBA Season 50 Governors’ Cup quarterfinals ngayon sa City of Dasmariñas Arena sa Cavite.
Susubok ang Gin Kings na mawalis ang Beermen sa alas-7:30 ng gabi habang magbabasagan ng tabla ang Rain or Shine at Converge sa alas-5:15 ng hapon.
Bitbit ng Ginebra, No. 3 sa Group B, ang 2-0 kartada sa best-of-five quarterfinal series matapos ang 2 silat na tagumpay bilang underdog sa pambatong SMB team na 3 beses lang natalo sa eliminations para sumegunda sa Group A.
Wagi ang Ginebra sa Game 1, 104-95, at sa Game 2, 126-99, para mabulaga ang SMB at mamuro sa semifinals kontra sa reigning champion at mahigpit ding karibal nito na Talk ‘N Text.
Hindi rin pinaporma ng Tropang 5G ang katapat nitong Magnolia Hotshots, 3-0, tampok ang double-digit wins sa lahat ng 3 laro.
Subalit hindi magiging madali na masundan agad ang TNT, babala ni head coach Tim Cone na aatasan ang kanyang mga manok na huwag magkumpiyansa lalo kontra sa de kalibreng SMB na kayang bumalikwas kontra sa kahit sinong katapat.
“So far, it’s working but 2 games don’t make the series. As we all know, we have been here many times before. I can’t even tell you how many series (where I had a 2-0 lead) and I’ve seen things happen in a series,” ani Cone na siyang winningest head coach sa PBA bitbit ang 26 na korona.
Sasandal uli si Cone sa pambatong import na si Jordan Murphy.
Makakatulong niya sina Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Stephen Holt, Troy Rosario at RJ Abarrientos.
Sa kampo ng Beermen, lintik lang ang walang ganti para sa misyong makahirit pa ng Game 4 at mapanatiling buhay ang pag-asa sa pangunguna nina George King, June Mar Fajardo, CJ Perez, Don Trollano, Jerrick Ahanmisi, Jericho Cruz at Marcio Lassiter.
- Latest




















