Safety certificate ng fast craft na sumadsad, sinuspinde
MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Department of Transportation (DOTr) ang Passenger Ship Safety Certificate (PSSC) ng fast craft na MV Ocean Jet 788 na sumadsad sa loading dock ng Tagbilaran Port sa Bohol noong Sabado.
Ito ang naging kautusan ni DOTr Secretary Vince Dizon sa Maritime Industry Authority (Marina), matapos na magdulot ang insidente ng takot at pangamba sa mga pasahero.
Hindi na muna maaaring bumiyahe ang fast craft hangga’t hindi nakapapasa sa safety inspection ng Marina.
Ayon sa Marina, ang barko ay nakaranas ng electrical failure sa bridge engine control system na nagresulta sa pagkawala ng reverse propulsion nito.
Ang suspensiyon ay ipinairal sa ilalim ng Republic Act. No. 9295 at Implementing Rules and Regulations nito, gayundin ng MARINA Memorandum Circular No. MS 2023-01 at Ship Survey System.
- Latest
















