Binatang tumatawid, dedo sa salpok ng motor

CAVITE, Philippines — Patay ang isang 29-anyos na binata makaraang salpukin ng isang motorsiklo habang tumatawid sa Molino-Paliparan Road, Brgy. Molino 4, Bacoor City kamakalawa ng gabi.
Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang biktima bukod pa sa mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan, na kinilalang si alyas “Jose”, 29-anyos, residente ng Maryhomes Subdivision, Molino 4, Bacoor City.
Sugatan din ang driver ng motorsiklo na si alyas “Justine”, 21-anyos, ng Brgy Paliparan 3, Dasmariñas City, Cavite at angkas nito makaraang silang sumemplang.
Base sa ulat, alas-9:18 ng gabi, bumaba ng jeepney ang biktima at patawid na siya nang salpukin ng rumaragasang motorsiklo na minamaneho ng suspek.
Tinangka pa ng biktima na umiwas sa motorsiklo subalit dahil sa bilis ng patakbo ng driver ay tuluyan nahagip nito ang biktima na napuruhan sa ulo bukod pa sa mga sugat na tinamo nito sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad naitakbo ng rumespondeng 161 Ambulance sa pagamutan ang biktima at magkaangkas sa motorsiklo subalit sa tindi ng pinsalang tinamo ng una ay hindi na naisalba pa ang buhay nito.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang driver ng motorsiklo.
- Latest

















