Paano sisingilin ang ayaw magbayad ng utang?
Dear Attorney,
May utang sa akin ang kapitbahay ko nagkakahalaga ng P50,000. Paano ko po ba siya sisingilin? Kung magsasampa ako ng kaso, baka lugi na ako sa ibabayad pa lang sa abogado. – Cristy
Dear Cristy,
Magpadala ka ng demand letter sa taong umutang kung saan nakalagay na pormal mong sinisingil ang kanyang utang. Dahil nabanggit mong magkapitbahay kayo, kakailanganin mo rin na idulog sa barangay ang iyong reklamo para sa posibilidad na kayo ay magkasundo. Kung hindi kayo magkasundo, mag-iisyu ang barangay ng certificate na dumaan na kayo sa conciliation at kasunod nun, maari nang isampa sa korte ang kaso.
Pagkatapos n’yong magkaharap sa barangay at matanggap ang demand letter (mainam kung ang mismong sinisingil ang nakatanggap at may patunay ka nito) at kung hindi pa rin niya binayaran ang utang, maari ka nang magsampa ng kaso sa Small Claims Court kung saan pasok ang P50,000 na balak mong singilin.
My mga nakahanda ng mga forms sa mga Small Claims Court kung saan mo idedetalye ang basehan ng inyong sinisingil na halaga. Bilang ebidensiya, isasama mo sa mga forms na ito ang kopya ng mga katibayan ng napagkasunduan mo at ng taong iyong sinisingil katulad ng mga kontrata o kaya’y mga promissory notes.
Hindi mo na kailangang problemahin ang pagkuha ng abogado dahil ipinagbabawal talaga sa mga abogado na humarap sa Small Claims Court. Upang mapabilis ang pagdinig sa mga kasong may kinalaman sa mga hindi kalakihan ang halaga, tanging ang mga partido lamang sa kaso ang maaring humarap sa husgado.
- Latest















