Bulldogs nagpatibay sa No. 2 spot
MANILA, Philippines —Tumibay ang kapit ng National University sa second spot matapos lapain ang University of Sto. Tomas, 75-71, sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ipinaramdam ni Mo Diassana ang kanyang lakas at dinomina nito ang sentro ng UST na si Collins Akowe upang akbayan ang NU sa paglilista ng 7-3 karta.
“Good win for us definitely kasi UST hindi naman basta-basta iyan talaga. Isa rin sa contenders ‘yung UST. Good thing lumabas ‘yung effort namin this game up to the last minute. It’s all about mindset and ‘yung effort na binibigay namin every game,” sabi ni coach Jeff Napa
Tumikada si Diassana ng 16 points mula sa 8-of-11 field shooting bukod sag 19 rebounds para sa Bulldogs na ipinalasap sa Growling Tigers ang pang-anim na talo sa 10 salang.
Maagang ibinaon ng NU ang kanilang pangil kaya nahawakan ang 24-18 abante sa first quarter.
Hinabol sila ng UST sa second canto para tapyasin sa isa ang hinahabol, 39-40, sa halftime.
Naging mahigpit ang labanan sa third period kaya nagtabla ang iskor sa 57-57 papasok sa fourth quarter.
Ngunit pinutakte ng kamalasan ang Growling Tigers sa payoff period at hindi man lang nakapasok kahit isang field goal sa loob ng pitong minuto.
Sinamantala ito ng Bulldogs para madali nilang sakmalin ang panao.
Bumakas si Kenshin Padrones ng 13 markers at 12 boards para sa NU.
Pinamunuan ni Amiel Acido ang opensa para sa UST sa inirehistrong 13 puntos, limang rebounds, dalawang aasists at isang steal.
- Latest
















