SC: 2 nanalong kandidato, sibak sa vote-buying

MANILA, Philippines — Muling pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang diskuwalipikasyon ng dalawang nanalong kandidato para sa posisyon ng Sangguniang Bayan sa Candijay, Bohol noong 2025 National and Local Elections dahil sa napatunayang pamimili ng boto o vote-buying.
Sa desisyong inilabas ng Kataas-taasang Hukuman noong Oktubre 28, 2026, ibinasura nito ang mga petisyon nina Charina Bagor at Erlinda Curativo at pormal na pinawalang-bisa ang kanilang proklamasyon bilang mga nagwaging kandidato.
Batay sa rekord ng korte at ng Commission on Elections (COMELEC) na inakusahang nagpamahagi ng mga food pack sa mga residente ilang araw bago ang eleksyon si Bagot at nagpapaalala na “tandaan” siya bilang kandidato.
Habang si Curativo ay inakusahang nag-abot ng kabuuang P60,000 sa isang barangay kagawad na may direktang utos na mamigay ng tig-P100 cash sa bawat botante bago ang halalan.
Napatunayan ng COMELEC at sinang-ayunan ng SC na may “substantial evidence” o sapat na ebidensya ng vote-buying sa ilalim ng Section 68 ng Omnibus Election Code.
Dagdag pa ng SC na dahil ang dalawang kandidato ay na-disqualify, ang kanilang proklamasyon bilang mga nanalong kandidato ay pinawalang-bisa.
Binigyang-diin ng SC na ang pamimili ng boto ay nagsasamantala sa kahirapan ng mga mamamayan at pinapalitan ng pera ang tunay na desisyon ng mga botante, kaya dapat itong pigilan at maparusahan nang husto.
- Latest















