Chinese Defense Attaché dinedma ni Gibo sa ADMM-Plus Summit
MANILA, Philippines — Dinedma at hindi personal na sinalubong ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. si Chinese Defense Attaché Senior Captain Yang Lei sa ika-13 ASEAN Defense Ministers’ Meeting-Plus (ADMM-Plus) sa Cebu, sa gitna ng patuloy na tensiyon sa West Philippine Sea.
Sa halip, si Defense Undersecretary Ignacio Madriaga ang tumanggap kay Yang Lei, na ipinadala ng Chinese Embassy bilang kinatawan ng Beijing sa pulong.
Samantala, personal na sinalubong ni Teodoro ang iba pang mga delegado, kabilang ang mga deputy defense minister mula sa mga bansang kalahok sa ASEAN defense dialogue.
Ayon sa Chinese state media, si Yang Lei ang may pinakamababang ranggo sa mga dumalo sa pagpupulong.
Reaksiyon naman ni Ray Powell, direktor ng SeaLight sa Stanford University Gordian Knot Center for National Security Innovation at dating US defense attaché, normal lamang na undersecretary ang sumalubong sa isang defense attaché dahil hindi sila katumbas ng ranggo ng isang defense minister.
Aniya, kung nais ng China na personal silang salubungin ni Teodoro, dapat ay kanilang defense minister ang ipinadala sa pagpupulong.
- Latest















