10-anyos ni-rape slay, hubo’t hubad tinali sa puno

MANILA, Philippines — Natagpuang hubo’t hubad na nakatali ang mga kamay at paa sa isang punong kahoy ang katawan ng isang batang babaeng hinihinalang ni-rape slay sa isang liblib na lugar sa South Upi, Maguindanao del Sur, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang biktima sa alyas lamang nitong “Cyll,” isang Grade 5 pupil at residente ng nasabing bayan.
Sa report sinabi ni Captain Steffi Salanguit, spokesperson ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), dakong alas-11 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa Brgy. Romongaob, South Upi ng lalawigan.
Ayon sa opisyal, nakatali rin sa puno ang leeg, kamay at paa ng nasabing batang babae nang madatnan ng mga awtoridad.
Ang insidente ay iniulat sa mga awtoridad ng ama at tiyuhin ng nasabing biktima na mabilis namang nagresponde sa lugar.
Isinailalim na sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang makumpirma ang pang-aabusong seksuwal at pagpatay, bagama’t sinabi ng pamilya nito na hinalay muna ang bata bago pinaslang.
Nag-alok naman si South Upi Mayor Helen Benito-Padua ng P50,000 reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan at ikaaaresto ng salarin.
Kinondena rin ng alkalde ang napaulat na panghahalay at pagpatay sa nasabing batang katutubo.
- Latest
















