Senator-judges ‘wag mag-VP! - Alan
MANILA, Philippines — Iginiit ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na walang senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang dapat tumanggap ng alok na pumalit sa kanya sakaling matanggal ito sa puwesto upang maiwasan ang conflict of interest at mapanatili ang political neutrality ng Senado.
Ayon kay Cayetano, mahalagang walang anumang personal o pampulitikang interes ang mga senator-judge upang matiyak na ebidensya lamang ang magiging batayan ng kanilang paghatol sa isang impeachable official.
Ang pahayag ni Cayetano ay kasunod ng paninindigan ni Senate presiding officer Francis “Chiz” Escudero na hindi niya tatanggapin ang pagka-bise presidente kung mababakante ang puwesto ni Duterte dahil maaari itong magdulot ng conflict of interest.
Sa ilalim ng Konstitusyon, ang Senado ang may natatanging kapangyarihang litisin at magpasya sa mga impeachment case, at kinakailangan ang boto ng dalawang-katlo o 2/3 ng mga senador upang mahatulan ang isang opisyal.
Gayunman, kinontra ni Sen. Panfilo Lacson ang panawagan ni Cayetano at tinawag itong “uncalled for.” Nilinaw ni Lacson na wala siyang interes sa pagiging bise presidente dahil mananatili siya sa Senado hanggang 2031, ngunit aniya ay hindi dapat limitahan ang prerogative ng Pangulo sa pagpili ng maaaring maging kapalit ni Duterte kung mababakante ang posisyon. Idiniin din niya na hindi nararapat na pagkaitan ng pagkakataon ang sinumang senador na mapili para sa naturang tungkulin.
Sa ilalim ng Konstitusyon, maaaring magtalaga ang Pangulo ng kapalit na bise presidente mula sa mga miyembro ng Senado o Kamara, na kailangan namang aprubahan ng mayorya ng lahat ng miyembro ng dalawang kapulungan na hiwalay na boboto.
- Latest




















