Matibag pinapa-inhibit Davao prosecutor sa cyber libel?

Pinsan daw ni Honeylet…
MANILA, Philippines — Nakatakdang maghain ng motion for inhibition si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag laban sa city prosecutor ng Davao City Prosecutor’s Office na humahawak sa mga reklamong libel at cyber libel na isinampa laban sa kanya at iba pang respondents ni Davao City Rep. Paolo Duterte.
Bukod sa pagpapa-inhibit, hihilingin din ni Matibag na ilipat sa National Prosecution Service (NPS) ng Department of Justice (DOJ) ang pagdinig sa dalawang reklamo.
Ayon kay Matibag, may “alarming reason” para hilingin ang inhibition matapos umanong matuklasan na si Davao City prosecutor Jhopee Salvador Avanceña ay pinsan ng common-law partner ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Honeylet Avanceña. Sinabi ni Matibag na posibleng naihain na kahapon (Lunes) ang motion for inhibition kasama ang motion to suspend proceedings sa DOJ at sa Davao City Prosecutor’s Office.
Noong Biyernes, naghain si Rep. Duterte ng mga reklamong libel at cyber libel laban kina Matibag, dating pulis na si Rodolfo Gracioso Jr., pati na sa ilang opisyal at media personalities ng GMA Network.
Kaugnay ito ng mga alegasyong may mga maletang pera umanong idineliber para kina Vice President Sara Duterte, Rep. Paolo Duterte, at dating Pangulong Rodrigo Duterte, umano’y sa utos ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
- Latest




















