Chicser, nag-comeback sa Big Dome kasama ang 6ENSE!

Nagulat at natuwa ang fans nang biglang lumabas sa stage ang OG P-pop group na Chicser para makasama ang rising boy group na 6ENSE sa isang special performance.
Matapos ang bagong version ng hit song na Piliin Mo Ako, ipinakilala ng 6ENSE ang kanilang unreleased song na Kitang Kita Kita, kung saan surprise guest nila ang Chicser. Siyempre, doble ang excitement ng fans dahil bukod sa bagong kanta, comeback performance rin ito ng Chicser matapos ang ilang panahong hindi aktibo sa eksena.
Ang bonggang collab ay mula sa ideya ni RS Francisco, na siyang nag-request sa songwriter na si Wiji na gumawa ng isang kantang tungkol sa friendship.
At dahil dito, nabuo ang Kitang Kita Kita, na naging daan para magsama ang dalawang henerasyon ng P-pop. “Ang saya lang na makita ang dalawang generations ng P-pop na nagsasama at nagtutulungan. Music has always been about bringing people together, and that’s exactly what we wanted to celebrate with this collaboration,” pahayag ni RS.
“Para sa amin, hindi ito tungkol sa kung sino ang nauna o kung sino ang mas sikat. It’s about friendship, respect, and supporting each other’s dreams. Mas maganda kapag sabay-sabay tayong umaangat,” dagdag pa niya.
Suportado rin ng kanilang Luxxe White family ang special project. Pero hindi lang basta performance ang nabuo sa collaboration dahil naging close rin ang dalawang grupo sa kanilang recording sessions at rehearsals.
Ayon sa 6ENSE, super thankful sila sa Chicser dahil kahit busy at matagal nang hindi nagpe-perform, game na game ang grupo na makatrabaho sila. Ang nakakatuwa, mismong Chicser naman ang umaming naging fans sila ng 6ENSE dahil sa talent, sipag, professionalism at respeto ng younger group. Kaya naman hindi lang sa stage nagkaroon ng chemistry ang dalawang grupo kundi pati behind the scenes.
Aminado rin ang Chicser na masarap ang feeling na makabalik sa stage. At mukhang may dapat pang abangan ang kanilang fans!
Isang Facebook comment kasi mula sa isa sa mga miyembro na malapit na silang maging “6/6” ang lalong nagpa-excite sa supporters.
Posible kayang may bagong music na rin ang Chicser soon?
Samantala, parehong may dahilan para mag-celebrate ang dalawang grupo matapos ang awards night. Tinanghal ang 6ENSE bilang Rising Boy Group of the Year, habang ginawaran naman ang Chicser ng PPOP Frontier Award.
Para sa 6ENSE, dream come true rin ang pagkakataong makapag-perform sa Big Dome, at mas ganado silang abutin ang mas malalaking stages sa mga susunod nilang performances. “I’m very proud of both groups. Chicser has already inspired a generation of fans, and now 6ENSE is working hard to create its own story. Sana mas marami pang ganitong collaborations because P-pop has so much talent to offer,” sey pa ni RS.
Habang hinihintay ang official release ng Kitang Kita Kita, mapapakinggan naman ang latest single ng 6ENSE na 11:11 under Star Music, na isinulat at prinodyus ni hitmaker Kiko Salazar.
At sa nalalapit na release ng kanilang collaboration, mukhang hindi pa tapos ang excitement para sa Chicser at 6ENSE fans.
- Latest



















