Lacson umaasa sa mapayapang pag-aresto at due process kay Bato
MANILA, Philippines — Umaasa at nananalangin si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na kung maaresto man si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC), ay maisasagawa ito nang mapayapa at walang anumang karahasan o trahedya.
Sa kanyang post sa X, sinabi ni Lacson na bagama’t may mga pagkukulang si Dela Rosa tulad ng ibang tao, nararapat pa rin itong mabigyan ng due process, isang karapatang nakasaad sa Konstitusyon at dapat igawad sa lahat.
Nahaharap si Dela Rosa sa pag-aresto dahil sa mga kasong may kaugnayan sa madugong kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte. Nitong Biyernes, inanunsyo ng pamahalaan ang P50-milyong pabuya para sa kanyang pagkakadakip habang nagbigay naman ang Philippine National Police (PNP) ng isang linggong ultimatum upang siya ay sumuko.
Iginiit din ni Lacson na walang basehan ang mga haka-hakang layunin ng mga hakbang na ito na pigilan si Dela Rosa na makaboto sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Aniya, kahit lumahok ito sa mga pagdinig ng Senado, malaki ang posibilidad na arestuhin siya ng mga awtoridad.
Gayunman, kinuwestiyon ni Lacson kung bakit kailangan pang mag-alok ng malaking pabuya kung mayroon na umanong impormasyon ang mga awtoridad tungkol sa kasalukuyang kinaroroonan ni Dela Rosa. “Kung alam na nila ang kinaroroonan, bakit kailangan pang magpatong ng P50 milyon na bounty?” tanong ng senador.
- Latest





















