Formaldehyde na pang-embalsamo, nasa vapes din – DOH

MANILA, Philippines — Nasa vapes din ang kemikal na formaldehyde na ginagamit sa pag-eembalsamo.
Ito ang naging abiso ng Department of Health (DOH) sa kanilang social media page at ang formaldehyde ay masama sa kalusugan ng tao dahil nakakapinsala ito sa lalamunan, ilong at mata.
“Ang formaldehyde ay isang kemikal na ginagamit sa pang-embalsamo, dahil disinfectant ito. Ngunit sa katawan, nakapipinsala ito ng lalamunan, ilong at mata.Napatunayan ding carcinogenic, o nagdudulot ng kanser ito kapag matagal ang exposure dito,” anang DOH.
Ayon pa sa DOH, hindi lamang formaldehyde ang makikita sa vape, kundi iba pang nakalalasong kemikal, gaya ng diacetyl, acrolein, cadmium at iba pa.
Nanawagan rin ang DOH na suportahan ang buwis na nagpuprotekta sa kalusugan ng mga Pinoy na ang bawat piso sa sin tax ay may katumbas na buhay na maaaring maligtas.
- Latest


















