Solo parent na LGBTQIA+ nagwala sa CSWD!
Ininsulto, 3-buwang pabalik-balik para sa ID
MANILA, Philippines — Nagwala at nagreklamo ang isang 47-anyos na miyembro ng LGBTQIA+ community habang nasa tanggapan ng City Social Welfare and Development (CSWD) sa Valenzuela City dahil sa umano’y mabagal na proseso ng kanyang solo parent identification (ID) card.
Sa viral video , sinabi ng kasambahay na si Armando “Amanda” Alvarez, sobrang dismayado siya sa paulit-ulit na paghingi ng karagdagang dokumento sa pagkuha ng solo parent ID na halos tatlong buwan na niyang inaasikaso sa CSWD Office ng naturang lungsod.
Masakit din aniya ang pagkuwestyon ng isang kawani sa kanyang kasarian sa pag-aaplay ng solo parent ID.
“Sa pagkakaalam ko, okay na lahat ng requirements, hindi nga po nila sinasabi sa akin kung kailan ako babalik e. Ang sa akin lang, gusto ko na pong maayos na rin ‘yan. Ang hindi ko lang matanggap noong sinabi sa akin ng isang kawani kung bakit siya magiging solo parent e bakla naman siya. So tumatak sa utak ko iyon,” sabi ni Alvarez.
Aniya, kailangan niya ang solo parent ID dahil sa pabahay ng lungsod para sa mga solo parent na na-demolish ang tirahan sa may Brgy. Daang Uldog sa Valenzuela. Siya ang tumatayong magulang ng tatlong anak na iniwan sa kaniya ng kaniyang kapatid.
Niliwanag din niya na frustrated na siya kaya’t nag-video sa nangyayari sa kanya na tanging daan para makasalba at makita ng mga tao kung ano ‘yung sistema na meron sa Valenzuela.
Samantala, sinabi ni Valenzulea Mayor Weslie Gatchalian na kulang pa talaga sa requirements si Alvarez kaya tumagal ang proseso ng kaniyang aplikasyon pero nang araw nang magwala siya ay aprubado na ang kanyang solo parent ID at sa huli ay nakuha na rin niya ito.
- Latest















