Rain or Shine sasagupa sa FiberXers sa quarters

MANILA, Philippines — Pormal nang inangkin ng Rain or Shine ang Group B No. 2 seat sa crossover quarterfinals matapos talunin ang Phoenix, 133-103, sa Season 50 PBA Governors’ Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Umiskor sina import Aaron Fuller at Jhonard Clarito ng tig-18 points para isara ng Elasto Painters ang eliminations sa 6-4 record sa Group B at makatapat ang Group A No. 3 Converge FiberXers (8-4) sa best-of-five quarterfinals series.
“Itong Converge na kalaban namin ang line-up nito pang championship eh,” ani coach Yeng Guiao sa tropa ni mentor Delta Pineda. “Ang kulang lang sa kanila siguro experience lang at konting jelling pa.”
Nag-ambag si Adrian Nocum ng 17 points at may tig-13, 11 at tig-10 markers sina Santi Santillan, Mike Malonzo, Felix Lemetti, Caelen Tiongson at Luis Villegas, ayon sa pagkakasunod.
Nahulog naman ang Fuel Masters sa 5-5 baraha at maaaring pumuwesto alinman sa No. 3 o No. 4 spot.
Hindi pa nadedetermina ang sasagupa sa Group A No. 1 NLEX (-3) at No. 2 San Miguel (9-3) sa quarterfinals, habang haharapin ng Group B top team Magnolia (7-3) ang Group A No. 4 TNT Tropang 5G (7-5) sa isa pang best-of-five series.
Mula sa 69-62 halftime lead ay pinalobo ng Rain or Shine ang kanilang bentahe sa 88-71 matapos ihulog ang isang 19-9 bomba sa 7:44 minuto ng third quarter.
Nahirapan nang makalapit ang Phoenix na lalo pang naiwanan sa pagsasara ng nasabing yugto, 84-110.
Tuluyan nang nakalayo ang RoS sa fourth period sa 122-95 mula sa three-point shot ni Beau Belga sa 5:14 minuto nito.
Nagtala si import Marcellus Earlington ng 20 points para sa Fuel Masters.
- Latest




















