Diesel, tataas ng P2.50; gasolina, bababa ng P1.50

MANILA, Philippines — Posibleng tumaas ng P1.50 hanggang P2.50 kada litro ang presyo ng diesel, habang inaasahang bababa naman ng P1 hanggang P1.50 ang gasolina simula Oktubre 26, ayon sa paunang pagtaya ng isang source mula sa industriya ng langis.
Batay sa galaw ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at palitan ng piso kontra dolyar, magkaiba ang magiging direksiyon ng presyo ng dalawang produktong petrolyo. Hindi pa kasama sa tantiya ang pagbabago sa gastos sa kargamento.
Ayon sa source, kabilang sa nagtutulak sa pagmahal ng diesel ang tumitinding tensiyon sa Middle East, pangamba sa pagkaantala ng suplay ng langis at mga pag-atake ng Ukraine sa mga refinery ng Russia.
Samantala, inaasahang makatutulong sa pagbaba ng presyo ng gasolina ang pagdami ng imbentaryo nito sa Singapore, na nagpapahiwatig ng mas maayos na suplay sa Asya.
Gayunman, paunang pagtaya pa lamang ang mga ito at maaari pang magbago bago ilabas ng mga kompanya ng langis ang pinal na anunsiyo sa susunod na linggo.
- Latest

















